Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na walang dapat ipag-alala ang China sa karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites ng Pilipinas dahil hindi umano ito gagamitin para sa “offensive na aksyon”.
Sa panayam kay Marcos sa Bataan nitong Lunes, Abril 10, ibinahagi nito na hindi na katakataka ang naging pag-aalala ng China sa apat na karagdagang EDCA sites sa bansa.
Ngunit ayon sa Pangulo, hindi naman papayag ang Pilipinas na gamitin ang nasabing mga base para sa kahit anong opensibong aksyon dahil gagamitin lamang umano ang mga ito para palakasin ang depensa ng bansa.
"Kaya't kung wala namang sumusugod sa atin, hindi na sila kailangang mag-alala dahil hindi naman sila natin lalabanan," ani Marcos.
"Ang ginagawa lamang natin ay ipagpatuloy natin na pinapatibay natin ang depensa ng ating teritoryo, ang pagdepensa ng Republika,” saad pa niya.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng Malacañang ang apat na lokasyon ng karagdagang EDCA sites at maaaring gamitin umano para sa humanitarian at relief operations tuwing may mga kalamidad.
Ang mga ito ay ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.