Isang dambuhalang sperm whale na may habang 17-metro ang namataang patay sa isang dagat sa Bali, Indonesia.
Sa ulat ng Agence France Presse, natagpuang stranded ang nasabing lalaking sperm whale sa Yeh Leh beach sa kanluran ng Jembrana district sa Bali noong Sabado ng tanghali, Abril 8.
Ayon umano sa isang local marine at fisheries official sa lugar na nagngangalang Permana Yudiarso, kasalukuyan nilang sinisikap hilahin ang bangkay sa tabing-dagat upang mapadali ang necropsy test saka nila ililibing ang balyena pagkatapos ang nasabing test.
Saad pa ni Yudiarso, sa inisyal nilang suspetsa ay nasawi ang balyena dahil sa sakit matapos umanong makita ang kapayatan nito at mukhang may sakit.
Maaari naman daw umabot sa tatlong linggo bago matapos ang necropsy test, ngunit nakita na ng forensic experts ang ilang sugat sa baga ng balyena at napupuno rin daw ng likido ang colon nito.
Binakuran na rin umano ng mga pulis ang lokasyon upang pigilan ang mga tao na magnakaw ng karne o mga bahagi ng katawan ng nasabing sperm whale.
Ito ang pangatlong balyena na namataan sa Bali nito lamang buwan ng Abril, ayon sa AFP.
Noong Miyerkules, Abril 5, isang male sperm whale na may habang 18-metro ang na-stranded sa Klungkung district sa silangang baybayin ng Bali.
Bago iyon, ang isang Bryde's whale naman na tumitimbang ng higit sa dalawang tonelada at hindi bababa sa 11 metro ang haba ang na-stranded umano sa isang beach sa Tabanan noong Abril 1. Nabulok na raw ang bangkay nito nang matagpuan.
Pangalawa umano ang Indonesia sa pinakamalaking contributor ng marine debris pagkatapos ng nangungunang China.