Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dagdagan niya ng benepisyo ang mga Pilipinong beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ito ang isinapubliko ng Pangulo matapos pangunahan ang paggunita ng ika-81 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat sa Bataan nitong Lunes ng umaga.
Ibibigay aniya nito ang nasabing benepisyo sa pamamagitan ng pagtaas ng pensyon ng mga ito.
Ito rin aniya ang kanyang tugon sa matagal nang panawagan ng mga war veteran na bigyan pa sila ng dagdag na suporta ng pamahalaan.
“Ang aming tinitingnan ay kung papaano natin patibayin ang sistema na pagbigay ng pensyon sa ating mga beterano. At dahil sa kasalukuyan, pagka-hindi inayos ang sistema, hindi tatagal dahil malaki ang binibigay sa mga pensyon,” sabi ni Marcos sa mga mamamahayag.
“Mayroon nagre-retire bago sa retireable age. Itong mga problemang ito ay lilitaw ‘yan kaya’t ang aming ginawa ay tiyakin muna na may sistema upang lahat ng ating mga beterano ay makatanggap ng kanilang tamang pensyon," dagdag pa ng punong ehekutibo.
Philippine News Agency