Hinikayat ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Linggo ng Pagkabuhay ang mga Pilipinong dumaranas ng mga pagsubok na magtakda ng kanilang “life vision” o mithiin sa buhay at panghawakan ito.

Sa limang minutong livestream sa Facebook noong Abril 9, 2023, sinabi ni Cayetano – na kilala sa kanyang faith-based leadership – na para magtagumpay sa buhay ay kailangang may “life vision” ang isang indibidwal at panindigan umano ito.

“Whether it be in school, family, in a relationship, business, church – magandang parati nating tanungin, ‘Ano ba ang balak nating ending?’” pahayag ng senador.

Ganoon din aniya sa kahit anong hangarin sa buhay, “Whether sasali tayo sa sports at ang ending na gusto natin ay gold medal or dumami ang kaibigan natin, whether ang kurso na gusto niyo sa college kasi ang ending na gusto natin ay hindi lang magkaroon ng hanapbuhay kundi meaningful na buhay.”

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sinabi rin ni Cayetano na bagama't madaling magpadala sa mga bagay na hindi natin kontrolado, nasa atin pa rin umano kung paano natin ito aaksyunan.

Hinimok niya ang mga Pilipino na humugot ng lakas mula sa kung paano pinanghawakan ng Diyos ang Kanyang layunin na makipagkasundo sa Kanyang nilikha na nagkasala noong binubugbog at ipinapako sa krus ang Kanyang Anak.

“So ‘pag sinasabing in everything we do, do it for the Lord, dagdagan natin, that in everything we do alalahanin natin ang sinakripisyo ng Diyos para sa atin,” pahayag ni Cayetano.

“‘Pag sinabi ng ibang ‘dayain mo na lang yung tax na ‘yan tutal lahat ng ginagawa [‘yan], isipin niyo po ang sinakripisyo ng Panginoon sa atin. Pwede ba tayong magsakripisyo at magbayad nang tama para sa ating bansa? Kung tutuusin po hindi sakripisyo ang gawin ang tama,” dagdag niya.

Nanawagan din ang senador sa mga Pilipino na maging biyaya sa kapwa sa ngalan ng pasasalamat sa Diyos.