May bago nang postmaster general at chief executive officer (CEO) ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa katauhan ni dating Assistant Postmaster General for Marketing and Management Support Services Luis D. Carlos.
Sa isang kalatas ng Post Office nitong Linggo, nabatid na noong Abril 3, si Carlos ay pormal na nanumpa sa harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo para sa kanyang bagong posisyon, matapos siyang hirangin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bagong pinuno ng PHLPost.
Isinagawa ang naturang simbolikong paglilipat ng pamunuan sa makasaysayang gusali at headquarters ng Post Office sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Nangako naman si Carlos na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay higit pa niyang pagagandahin ang serbisyo ng Post Office.
“Hindi natin kailangan baguhin ang buong sistema, ang kailangan ngayon ay pagandahin ang serbisyo natin,” ayon kay Carlos.
Inihayag din nito ang mga programa tulad ng pag-dedevelop ng e-commerce platforms at digital mailboxes, partnership sa pagitan ng Department of Trade and Industry at mga pribadong kumpanya sa e-commerce business at cross-border agreement on international mail forwarding at money transfer.
Nais din ni Carlos na makatulong sa administrasyon ni Pangulong Marcos na maiangat ang kalagayan ng magsasaka at maliliit na negosyante na maihatid ang mga agricultural products tulad ng binhi, fertilizers, at mga pananim sa malalayong lugar na walang kakayahang makapasok sa malalaking siyudad.
“Matutulungan po natin ang ating mga magsasaka na maihatid at maibenta ang kanilang produkto para sa mas malawak na merkado bilang tugon sa panawagan ng ating Pangulong BBM na palaguin ang sektor ng agrikultura sa bansa,” ani Carlos.