CAMP OLA, Albay – Lima katao, tatlo sa mga ito ay menor de edad, ang nalunod habang isa pa ang nawawala sa isang beach outing sa San Jose, Camarines Sur nitong Sabado de Gloria.

Kinilala ni Police Lt. Col. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5 (Bicol) ang mga biktima na sina Rizza, 17; Jhona, 17; Rhea, 18, residente ng Goa, Camarines Sur; at Rafael, 18, at Regine, 16, kapwa may apelyidong Pino, mula sa Naga City sa Camarines Sur.

Sinabi ni Calubaquib na si Ashley Rose, 16, residente ng Goa, ay nawawala pa sa pag-uulat habang nakaligtas si Jean Rose, 12.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-outing ang mga biktima kasama ang kanilang tiyuhin na si Gilbert Cea, sa isang beach sa Barangay Dolo bandang 9:30 a.m.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Magkasamang lumangoy ang mga biktima at makalipas ang ilang oras, nadiskubre ni Cea na nalunod ang kanyang mga pamangkin dahilan para humingi na siya ng tulong sa komunidad.

Nagsagawa ng rescue operation ang San Jose Municipal Police Station (MPS), Bureau of Fire Protection (BFP), Coast Guard, at LGU San Jose rescue team at dinala ang mga biktima sa Medicare Hospital sa San Jose ngunit lima sa kanila ang idineklarang patay na ng umasisteng doktor.

Patuloy ang imbestigasyon at search and rescue operation para kay Ashley Rose.

Niño Luces