Tinatayang 20,000 mga deboto ang lumahok sa motorcade ng Itim na Nazareno ngayong Biyernes Santo, Abril 7, ayon sa simbahan ng Quiapo.

Sa Facebook post ng Manila Public Information Office, nagsimula ang nasabing motorcade dakong 11:13 ng gabi noong Huwebes Santo, Abril 6, at natapos ng 12:31 ng umaga nitong Biyernes Santo.

Binanggit din nito ang sinabi ni Manila Police District Director BGen. Andre Dizon na natapos nang mapayapa ang nasabing motorcade.

Sa viber message sa mga mamamahayag, ibinahagi naman ni Quiapo Church attached priest Fr. Earl Allyson Valdez na ito na ang ikalawang motorcade ng Itim na Nazareno para sa Semana Santa mula nang mangyari ang Covid-19 pandemic.

Eleksyon

Sen. Revilla, aminadong 'nagbudots' sa Senado

Nagsimula umano ang motorcade sa Plaza Miranda/ Quiapo Church at dumaan sa mga kalye ng Villalobos, Carlos Palanca, Plaza Lacson, Carriedo, Evangelista, Gonzalo Puyat, Quezon Blvd, Arlegui, Legarda, Concepcion Aguila, Carcer, Hidalgo, Quezon Blvd, Carlos Palanca, Villalobos, hanggang sa bumalik din sa Plaza Miranda/ Quiapo Church.

Analou De Vera