Ipinako sa Krus ang tatlong albularyo, isa sa kanila ay babae, sa ginanap na ritwal ng Kuwaresma sa Brgy. Kapitangan, Paombong, Bulacan, ngayong Biyernes Santo, Abril 7.
Nagsimula umano ang pagpapako sa krus bandang 11:00 ng umaga sa isang man-made Golgotha sa tabi ng Catholic Chapel na dinaluhan ng libo-libong mga deboto, maging mga lokal at dayuhang turista.
Pangalawa umanong ipinako sa krus ang babaeng albularyo sa nasabing Golgotha sa palayan kung saan tinutupad daw ng maraming albularyo at ibang deboto ang kanilang panata sa Semana Santa tuwing Biyernes Santo.
Sa panayam ng Manila Bulletin sa grupo ng matatanda sa lugar, ibinahagi nilang karamihan ng mga nagpapapako sa krus tuwing Biyernes Santo roon ay nagsasabing nakakita raw sila ng mga pangitain at nakarinig ng mga "banal na tinig" na nagsasabi umano sa kanila na tuparin ang kanilang mga panata.
Dagdag nila, ang Golgotha sa Brgy. Kapitangan ay nagsisilbing isang uri ng “graduate school” para sa mga albularyo.
“Karamihan sa mga nagpapako ay naging magagaling na albularyo at may mga sariling kapilya kung saan nanggagamot ng libre sa mga taong maysakit,” anila.
Sinabi rin ng grupo na kabilang sa mga “fulfilled faith healers” na binabanggit nila ay si Amparo Santos, na kilala bilang “Mother Paring” ng Guiguinto, Bulacan.
Tinupad umano ni ‘Mother Paring’ ang kaniyang panata sa Kuwaresma sa pamamagitan ng pagpapako ng kaniyang sarili sa krus tuwing Biyernes Santo sa loob ng 15 magkakasunod na taon bago siya nagretiro 10 taon na ang nakakaraan. Sa kalukuyan ay nagsasagawa na umano siya ng spiritual healing sessions sa St. Joseph Chapel sa Brgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan.
Samantala, binanggit din ng grupo ang pangalan ni Buboy Dionisio, na ginawa rin daw ang madugong ritwal ng pagpapako sa krus tuwing Biyernes Santo sa loob ng 16 na magkakasunod na taon, mula 1997 hanggang 2013.
Ang isa pang albularyo na natatandaan pa umano ng mga matatanda ay isang babae na kilala bilang "Lucy" na tumupad din daw sa kaniyang panata sa Kuwaresma sa pamamagitan ng pagpapako sa krus sa loob ng 15 magkakasunod na taon.
Dahil sa pandemic, mula 2019 ay ngayon na lang umano muli nangyari ang nasabing re-enactment ng pagpapapako ni Hesus sa Krus para sa kasalanan ng sanlibutan.
Freddie Velez