Senakulo, via crusis o daan ng krus, at penitensya, ilan lamang ito sa mga madalas nating makikita na isinasagawa tuwing Mahal na Araw partikular na sa Biyernes Santo.
Ang salitang penitensya, na nangangahulugan ng pagsisisi, ang matinding pagnanais na mapatawad. Ito ay nakaugalian na ng ilang deboto. Kaugnay dito ang pagsasagawa ng mga ilan sa naging karanasan ni Kristo tulad na lamang ng pagpapahagupit sa mga kawal at pagpapako sa krus.
Taliwas sa paniniwala ng mga nagsasagawa nito, iginigiit ng Simbahang Katolika na hindi nila hinihikayat ang ganitong uri ng kasanayan.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), maling kaugalian ng mga deboto ang pagpapalatigo at pagpapako sa krus sa Biyernes Santo.
Sa usaping agham, pinag-iingat din ng Department of Health (DOH) ang mga deboto hinggil sa mga naturang kaugalin.
Ang mga sugat na natatamo nila sa kanilang pagpapahagupit at pagpapako sa krus ay prone sa tetanus o impeksyon. Bukod sa sugat, maaari ring magkabalian ng buto o makakuha ng pasa.
Samantala, itinuturing naman ng mga deboto na ang mga gawaing ito upang humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan, upang tuparin ang isang "panata" o upang magpahayag ng pasasalamat sa mga pabor na ipinagkaloob.
Ang ilan ay ipagpapatuloy pa rin ang ganitong uri ng gawi bilang bahagi na rin ng kultura.