BAGUIO CITY -- Muling matutunghayan na ng mga turista ang sikat na Igorot Stone Kingdom, ang nangungunang tourist destination sa summer capital, makaraang magbukas ito sa publiko noong Abril 3.

Matatandaang ipinasara ng city government ang naturang tourist attraction noong November 9, 2022, dahil sa kawalan nito ng business permit at building permit.

Ayon kay Engr. Bonifacio Dela Peña, city administrator ng Baguio City, “sa ngayon ay inisyuhan ng city government ng ‘provisionary permit’ ang Igorot Stone Kingdom dahil sa kawalan ng building permit sa mga itinayong structure,habang inaayos nila na maging titled ang kabuuang area.”

Aniya, sa mga nagdaang buwan, nag-utos sila na magsagawa ng slope stability at structural integrity analysis ang Igorot Stone Kingdom.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“Ang mainam din dito ay nagbigyan na sila ng Environmental Compliance Certificate (ECC), na ibig sabihin ay walang tumututol sa kanilang proyekto sa kanilang lugar. Nagkaroon na din ng pagpupulong sa mga agencies concern,hanggang sa barangay at residents at nasunod naman nila ang lahat ng requirements na dapat nilang iprisinta,” paliwanag ni Dela Pena.

Aniya, ang inisyung provisionary business permit ay valid lamang ng tatlong buwan."Renewable naman ito every three months,habang maisyuhan sila ng building permit, kaya kung may paglabag pa sa mga susunod na araw ay madaling makakasela ang kanilang permit.”

Napatunayan naman umano na ligtas ang mga structures ng naturang pasyalan, at kumpleto narin ang mga kailangan na requirements upang makapagbukas na sila muli sa publiko.

Ayon pa kay Dela Pena, sa isyu ng trapiko, na malimit na inirereklamo sa lugar, ay nangako ang pamunuan ng Igorot Stone Kingdom, na gagawin nila ang agarang solusyon sa inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong Holy Week season.

Maaari nang ilagay muli ang Igorot Stone Kingdom sa inyong mga travel list ngayong summer, na matatagpuan sa may Longlong Road, Pinsao Proper, Baguio City.