Magandang balita para sa mga beterano!

Ito’y dahil inianunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules na pagkakalooban sila ng apat na araw na libreng sakay ng tatlong railway lines sa Metro Manila, na kinabibilangan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).

Bilang pakikiisa anila ito sa pagdiriwang ng Philippine Veterans Week at ng Araw ng Kagitingan.

Ayon sa DOTr, ang libreng sakay ay umarangkada na nitong Abril 5 (Miyerkules Santo), at mauulit muli sa Abril 10, 11 at 12.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Libreng sakay ang ihahandog ng mga rail transit services ng Department of Transportation (DOTr) sa mga beterado bilang pagdiriwang ng Philippine Veterans Week at Araw ng Kagitingan (Day of Valor),” anang DOTr.

Sinabi ng DOTr na kinakailangan lamang ng mga beterano na iprisinta ang kanilang balidong identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa mga istasyon ng tren para makinabang sa libreng sakay ng mga naturang railway lines.

Dagdag pa nito, pahihintulutan naman ng MRT-3 management ng libreng sakay ang isang kasama bawat beterano sa mga araw na ito.

Matatandaang tigil-operasyon muna ang MRT-3, LRT-2 at PNR mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay, o Abril 6 hanggang 9, para bigyang-daan ang kani-kanilang maintenance activities.