Pinayuhan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga sangkot umano sa pagpaslang kina Negros Oriental Gov. Roel Degamo na magsisi na ngayong Semana Santa.
“It is a time for us to look at our sins, to repent,” ani Remulla sa panayam sa mga mamamahayag.
Isiniwalat ni Remulla kamakailan na sina Marvin Miranda, isang military reservist, at Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang mga tinitingnan mastermind sa pag-ambush kay Degamo at walo pang nadamay.
BASAHIN: Arestadong ‘mastermind’ sa Degamo-slay case, may ‘very strong connection’ kay Teves – Sec Remulla
Arestado na si Miranda at nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI).
BASAHIN: Isa sa mga mastermind sa pagpaslang kay Gov. Degamo, arestado ng NBI – Sec Remulla
Samantala, hindi pa rin bumabalik ng Pilipinas si Teves mula United States matapos mapaso ang official travel abroad nito noong Marso 9.
Hinikayat naman ni Remulla si Teves na umuwi na ng Pilipinas para sagutin ang mga katanungan sa kaniya at sinigurong dadaan umano sila sa due process.
Bukod sa mga nasabing mastermind, 10 iba pang suspek umano sa pagpaslang sa gobernador ang hawak na na rin ng NBI.
Matatandaang nasawi si Degamo at walo pang sibilyan na nadamay matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong indibidwal sa harap ng bahay nito habang siya ay nakikipag-usap sa ilang mga benepisyaryo ng 4Ps.