Suspendido na muna ang Covid-19 vaccination sa lungsod ng Maynila sa mga susunod na araw.

Sa abiso ng Manila City Government, sa pamamagitan ni Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nabatid na layunin nitong bigyang-daan ang paggunita ng Semana Santa 2023. 

Ayon kay Abante, sa Miyerkules Santo (Abril 5) ay half-day lamang ang Covid-19 vaccination sa lungsod. 

Sa Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Pasko ng Muling Pagkabuhay naman na natapat ng Abril 6 hanggang 9, ay  suspendido ang bakunahan. 

Politics

86.9% sa solons na kumandidato at pirmado sa impeachment ni VP Sara, reelected sa Kamara!

Dagdag ni Abante, wala ring Covid-19 vaccination sa Abril 10, na una nang idineklarang holiday ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para ipagdiwang ang Araw ng Kagitingan. 

Ani Abante, magbabalik ang regular na operasyon ng bakunahan sa Maynila sa April 11. 

Maaari pa rin naman aniyang magpabakuna ngayong Martes Santo sa iba’t ibang tukoy na health centers sa lungsod ng Maynila. 

Ayon naman sa Manila Health Department, na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan, ang available na bakuna para sa adult population sa Maynila ay Sinovac, habang Pfizer naman sa mga batang edad 5 hanggang 11. 

Paalala aniya ng Manila LGU, pinaka-mainam na bakunado upang mas maging ligtas laban sa Covid-19, lalo ngayong ginugunita ang Semana Santa.