Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na maglatag ng agarang aksyon laban sa dumaraming insidente ng karahasan sa bansa.

Ang ikinababahala ng komisyon, may ilang grupong tinutumbok ng mga karahasan kabilang na ang kababaihan, bata, minorya, at maging ng mga opisyal ng gobyerno.

Binanggit nito ang kamakailang mga insidente sa pagpatay kay Barangay Councilor Aldrin Pantos sa Sta. Maria, Bulacan, at college student na si Queen Leanne Duguinsin sa Dasmariñas City, Cavite.

Ang mga insidente ay nagtulak sa CHR na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon.

National

LTO magbibigay ng amnesty, good news sa riders—Sen. JV Ejercito

Sinabi nito na batay sa mga ulat ng pulisya, hindi pa nakikilala ang nag-iisang gunman ng konsehal, ngunit nahuli na ang suspek sa pagpatay kay Daguinsin.

"Bilang pambansang institusyon ng karapatang pantao ng bansa, mariing kinukundena ng CHR ang pagtaas ng paglaganap ng karahasan sa ating mga komunidad," sabi ng CHR sa isinaling pahayag sa Filipino.

"Idiniin namin na ang karahasan, sa anumang anyo, ay sumisira sa dignidad ng tao, sumisira sa katatagan ng lipunan, at lumalabag sa mga pangunahing karapatang pantao ng mga indibidwal," pagdiin nito.

Dahil sa paglaganap ng mga insidenteng ito, sinabi ng CHR na hindi dapat balewalain ang mga ito at bagkus ay dapat unahin ng gobyerno ang proteksyon ng lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng walang kinikilingan na pagpapatupad ng batas at mga sistema ng hustisya na nagtitiyak ng buong pananagutan laban sa mga salarin.

"Nananawagan kami sa mga lider ng mga komunidad at ng bansa, mga gumagawa ng patakaran, at mga katuwang na opisyal na gumawa ng mga konkretong hakbang upang maiwasan at matugunan ang mga karahasang ito sa ating mga komunidad," sabi ng CHR.

"Sa pamamagitan ng paggamit ng aming mga batayang karapatan sa pagsasalita at pakikilahok, sinusuportahan namin ang mga panawagan para sa katarungan at pagtugon sa mga naapektuhan pati na rin ang paninindigan laban sa mga karumal-dumal na gawaing ito," pagpapatuloy ng ahensya.

Iginiit nito na “collective responsibility” ng lahat ng Pilipino na lumikha ng kultura ng kapayapaan at paggalang sa karapatang pantao.

Sa pagtugon sa mga ugat ng karahasan, sinabi nito na ang mga Pilipino ay tunay na makakalikha ng isang mas ligtas at mas makatarungang lipunan.

Czarina Nicole Ong Ki