Isang lola sa Tagaytay City, Cavite, ang nagdiwang ng kaniyang 89th birthday nitong Linggo, Abril 2, habang suot ang kaniyang cute at bagay na bagay sa kaniyang Gen Z-style outfits.
Sa panayam ng Manila Bulletin, ibinahagi ng apo ni Lola Francisca "Kikay" Umali na si Aldrik Gohel na mahilig talaga itong magsuot ng trendy clothes basta’t komportable pa rin umano ito sa katawan.
“'Yung mga hanging clothes, see-through mga ganyan. Basta ‘yung madali nya suotin,” saad ni Gohel.
Espesyal din umano ang celebration ngayong taon ni Lola Kikay dahil nakauwi na muli ang kaniyang mga anak mula sa ibang bansa.
“After the pandemic, now lang ulit nakapag-celebrate nang bongga si Lola, at nakauwi na ulit ang mga anak niya from abroad, US and Sweden. At gusto ng mga anak ay groovy and with fashion pa din ang outfit ni Lola,” ani Gohel.
Masaya naman sina Gohel dahil sa kabila umano ng edad ni Lola Kikay, maganda pa rin ang kaniyang kalusugan.
“Nakaka-inspire siya sa edad niya 89, makikita mo na gusto pa niya mabuhay nang matagal at kayang makipagsabayan sa henerasyon ngayon,” ani Gohel.
Happy birthday, Lola Kikay!
Carla Bauto Deña