Niyanig ng magnitude 7 na lindol ang hilagang-kanluran ng Papua New Guinea nitong Lunes ng madaling araw, Abril 3, ngunit wala namang naitalang tsunami warning ang mga awtoridad.
Sa ulat ng Agence France Presse, itinala ng US Geological Survey na nangyari ang pagyanig na may lalim na 62 kilometro dakong 4:00 ng madaling araw.
Namataan umano ito sa layong 97 kilometro sa baybayin ng lungsod ng Wewak.
Wala namang inilabas na tsunami order sa mga kalapit na lugar.
Siniguro rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na walang tsunami threat sa Pilipinas ang nasabing lindol.
“No destructive tsunami threat exists based on available data. This is for information purposes only and there is no tsunami threat to the Philippines from this earthquake,” saad ng Phivolcs.
Matatandaang niyanig din ng malakas na lindol na may magnitude 6.2 ang rehiyon ng New Britain, Papua New Guinea noong buwan ng Pebrero.
BASAHIN: Papua New Guinea niyanig ng magnitude 6.2 na lindol