Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko nitong Lunes na tiyaking ligtas at payapa ang gagawing paggunita sa Mahal na Araw.
Kaugnay nito, naglabas rin ang DOH ng mga gabay na maaaring sundin ng publiko upang makaiwas sa anumang kapahamahakan.
Nabatid na pinayuhan ng DOH ang mga debotong magpepenitensiya na magpaturok ng anti-tetanus vaccine at tiyaking ang anumang gamit na gagamitin nila sa pagpepenitensiya ay malinis at na-sterilized.
Dapat muna umanong obserbahan ng mga mamamayan ang kanilang sarili bago subukan ang anumang uri ng pagpa-fasting.
Pinaalalahanan rin naman ng DOH ang mga bibisita naman sa mga simbahan o yaong magbi- Visita Iglesia, na huwag kalimutang magdala ng sariling tubig, payong at pamaymay at gumamit ng sunblock upang makaiwas sa dehydration at sunburn ngayong labis ang init ng panahon.
Ang mga buntis, matatanda at mga may karamdaman naman ay pinapayuhan rin ng DOH na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan.
Sakali naman umanong hindi maiiwasang lumabas ng bahay at makisalamuha sa maraming tao ay dapat na tiyaking bakunado sila laban sa COVID-19.
Samantala, ang mga mananatili lamang sa kanilang mga tahanan sa buong panahon ng Mahal na Araw, ay hinihikayat na kumain ng masustansiyang pagkain, mag-ehersisyo at gamitin ang long weekend upang magpahinga at makapag-meditate.