Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes na aabot sa ₱30-milyong halaga ng iba’t ibang advanced medical equipment ang ipinagkaloob ng isang foundation para sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC), ang city-run hospital na nagkakaloob ng libreng health services para sa mga residente ng unang distrito ng Maynila.
Ayon kay Lacuna, ang mga naturang kagamitan na ipinagkaloob ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) Foundation, Inc. para sa ENT at Ophthalmology Departments ng pagamutan, ay kinabibilangan ng endoscopy tower para sa ENT, phacoemulsification machine para sa katarata at otoacoustic emission machine.
Kaugnay nito, malugod na pinasalamatan ng alkalde ang naturang foundation, na kinatawan nina executive director Filipina Laurena; support services manager Allan Valmoria at program heads Eloida Arcena at Michael Vincent Llorente, para sa donasyong ipinagkaloob nito.
Nagpahayag rin siya ng pag-asa na ang iba pang city hospitals ay magkakaroon rin ng mga kahalintulad na donasyon sa hinaharap.
“Maraming salamat sa ating private partners na walang- sawang natulong …sa ICTSI Foundation na nag-donate ng ₱30 million worth of equipment. Matagal na po ito talaga na gusto nilang ibigay sa lungsod.Naantala lang dahil sa pandemya pero di sila tumigil nang kakapursigi at kinausap po nila ang inyong lingkod. Sana all.Sana ang iba pang ospital ay mabigyan din po ninyo ng tulong. Maraming maraming salamat po,” ayon pa kay Lacuna.
Sinabi ng alkalde na ang donasyon ay ipinagkaloob ng foundation kasabay nang pagdiriwang ng GABMC ng kanilang ika-25 anibersaryo sa Abril 28.
Pinuri rin naman ni Lacuna si GABMC Director Dr. Ted Martin at ang kanyang grupo para sa first-class at de kalidad na serbisyong ipinagkakaloob sa kanilang mga pasyente.
“Napakalaki na ng pagbabagong naganap sa kanilang ospital. Kami ay nagpapasalamat dahil sa loob ng 25 years, ang Gat ay nakilala na di lamang sa Kamaynilaan kundi sa buong Pilipinas bilang isa sa mga nangunguna sa pagbibigay ng maayos at magandang serbisyo lalong-lalo na sa ating mga kababayang nagpapa-dialysis,” ani Lacuna.
Ipinagmalaki rin naman ni Lacuna ang GABMC, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Martin, na siyang nagpapatakbo ng pinakamalaking dialysis center sa bansa.“Tinalo pa ang mga pribadong ospital at di lang sa Gat nagbibigay ng libreng dialysis.Andiyan din po ang Sta. Ana Hospital at Ospital ng Maynila na madaming natutulungang kababayan. Alam n’yo naman na pag tayo ay nagsimula ng dialysis, habambuhay na.”
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Dr. Martin na ang tagumpay ng GABMC at ng iba pang city-owned hospitals ay nakamit nila dahil sa pagsusumikap at walang sawang suporta ni Lacuna, na isa ring doktor.
Nabatid na ang GABMC ang naging host ng flagraising ceremony nitong Lunes, at bukod kay Dr. Martin, dumalo rin sa aktibidad ang karamihan sa kanyang mga staff.
“Kasama ko ang buong staff ng Gat Andres, mga lumaban sa panahon ng pandemya at sa loob ng 25 taon ay patuloy na naglilingkod hanggang ngayon sa larangan ng kalusugan. Sila po ay maipagmamalaki ko at malaki-laki na po ang pinagbago ng aming serbisyo. Upgraded na ang mga gamit since 2019 at may maayos na ICU na for adults at bata,” dagdag pa ni Dr. Martin.