Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na nakapagtala nang pagtaas ng 7-day Covid-19 positivity rate ang National Capital Region (NCR) at 14 pang lalawigan sa bansa nitong Abril 1, 2023.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na mula sa dating 3.2% lamang noong Marso 25, 2023, umakyat sa 4.4% ang Covid-19 positivity rate sa NCR nitong Abril 1.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“7-day positivity rates in many PH provinces have increased as of April 1, 2023,” tweet pa ni David.

“In the National Capital Region (NCR), it increased from 3.2 percent to 4.4 percent,” aniya pa.

Sa kabila naman nito, nananatili pa rin itong mas mababa sa 5% na itinatakdang threshold ng World Health Organization (WHO) para sa containment ng virus.

Bukod sa NCR, nakitaan rin ng pagtaas ng Covid-19 positivity rates ang ilan pang lalawigan mula Marso 25 hanggang noong Abril 1.

Kabilang dito ang Batangas (na mula 1.9% ay naging 2.4%); Benguet (3.3% - 5.5%); Bulacan (1.6% - 1.8%); Camarines Sur (10.1% - 10.4%); Cavite (2.4% - 3.6%); Cebu (2.8% - 4.7%); Davao del Sur (5.9% - 7.7%); Iloilo (0.7% - 1.9%); Isabela (2.9% - 6.2%); Laguna (3% - 4.7%); Negros Occidental (2.3% - 2.8%); Pampanga (2.0% - 4.8%); Pangasinan (1.8% - 2%) at Zamboanga del Sur (0.7% - 2.2%).

“It increased to or remained at moderate in Benguet, Camarines Sur, Davao del Sur and Isabela,” dagdag pa ni David.

Ang positivity rate naman aniya sa South Cotabato ay bumaba ng mula 9.3% ay naging 8.6% ngunit nananatili pa rin sa moderate level.

Bahagya rin naman aniyang bumaba ang positivity rate sa Misamis Oriental na mula sa 27.5% ay naging 27.4%, ngunit nananatili pa rin itong mataas.

Samantala, iniulat rin ni David na ang nationwide positivity rate naman ay naitala sa 4.9%.