Isiniwalat ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may malakas na koneksyon kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves ang naaresto nilang isang mastermind umano sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4.
Sinabi ni Remulla noong Biyernes, Marso 31, na naaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga tinitingnan nilang mastermind sa pagpaslang kay Degamo at walo pang sibilyang nadamay.
BASAHIN: Isa sa mga mastermind sa pagpaslang kay Gov. Degamo, arestado ng NBI – Sec Remulla
Ibinahagi naman ni Remulla nitong Lunes, Abril 3, na kinilala ang nasabing arestadong mastermind na si Marvin H. Miranda, isang military reservist.
“Kasama na siya sa revelations kaya hinanap na siya kaagad,” ani Remulla
“Kumbaga sa sine, siya yung direktor at casting director. Hindi lang ito sine kasi totoo nangyari ito eh. While Congressman Teves is the executive producer,” dagdag niya.
Matatandaang isiniwalat din ni Remulla kamakailan na isa rin si Teves sa mga tinitingnan nilang mastermind sa pagpaslang kay Degamo.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla
Samantala, nasa ilalim na umano si Miranda sa inquest procedure ng Department of Justice (DOJ) dahil sa multiple murder at multiple frustrated murder charges hinggil sa pagpaslang kay Degamo at walo pang nadamay.
Wala pa naman umanong desisyon kung ilalagay siya sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Matatandaang nasawi si Degamo at walo pang sibilyan na nadamay matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong indibidwal sa harap ng bahay nito habang siya ay nakikipag-usap sa ilang mga benepisyaryo ng 4Ps.