Dalawang indibidwal ang nasawi nang masunog ang isang hot-air balloon na lumipad sa sikat na Teotihuacan archeological site malapit sa Mexico City, ayon sa regional government nitong Sabado, Abril 1.
Sa ulat ng Agence France Presse, ibinahagi ng pamahalaan ng Mexico na tumalon ang nasabing mga pasahero ng hot-air balloon dahil sa takot.
Bagama’t hindi ibinigay ang kanilang pangalan, ibinahagi umano ng pamahalaan na kinilala ang mga biktima na isang 39-anyos na babae at isang 50-anyos na lalaki.
Samantala, nagtamo ang kasama nilang bata ng second-degree burn sa mukha at nabali rin ang kanang binti nito.
Hindi naman sinabi ng pamahalaan ng Mexico kung may iba pang pasahero sa nasabing hot air balloon.
Kilala ang Teotihuacan bilang isang tourist destination at isang nananatiling monumento sa pre-Columbian period.