Pursigido ang bayan ng Burgos upang maging kauna-unahang rabies-free community sa Western Pangasinan ngayong taon.

Bilang bahagi ng kanilang rabies-free initiative program, nabatid na tuluy-tuloy ang kampanya ng Local Government Unit (LGU) ng Burgos upang puksain ang rabies sa kanilang lugar, sa pamamagitan nang patuloy na vaccination activities sa mga alagang hayop gaya ng aso at pusa, health education initiatives para sa control at prevention ng rabies, pagtataas ng awareness at pag-advocate sa tuluyang pag-eliminate ng naturang sakit.

Kamakailan lamang ay nakiisa pa ang Department of Health (DOH)- Ilocos Region sa “Road to a Rabies-Free Community Symposium and Workshop for Rabies Awareness Month Celebration”, na idinaos ng municipal health office ng Burgos, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Rabies Awareness Month 2023 na ang layunin ay gawing kauna-unahang rabies-free zone ang kanilang bayan sa western Pangasinan bago matapos ang taong 2023.

Nabatid na ang bayan ng Burgos ang tanging bayan sa lalawigan na walang naiuulat na kaso ng rabies sa dalawang magkasunod na taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Ana Fe Dumo Perez, Regional Manager for Rabies Prevention and Control, ang munisipalidad ay maaaring ideklarang rabies-free kung makapagrehistro ng zero animal at human rabies sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.

Nangangahulugan ito na kung hindi pa rin makakapagtala ng mga kaso ng rabies hanggang sa katapusan ng taong ito ang Burgos ay maaari na silang maideklarang rabies-free.

“A rabies-free area is one which implements and maintains a regular free dog vaccination program, promotes the use of a dog leash, intensifies community awareness on rabies prevention and control, has an established animal bite treatment center, has an impounding system for stray animals and regularly promotes responsible pet ownership,” ani Perez.

Nabatid na bukod sa workshop, nagsasagawa rin ang LGU ng libreng rabies vaccinations para sa mga aso at pusa.

Sinabi naman ni Regional Director Paula Paz N. Sydiongco na ang anti-rabies vaccination para sa mga alagang hayop ang isa sa pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

“Isa ito sa mga pinakamabisang paraan upang maiwasan ang pagkalat ng rabies. Mas makabubuti rin na itali o huwag palabasin ng bakuran ang mga aso upang hindi makakagat at pakalat-kalat sa lansangan,” aniya pa.

“Tandaan na ang pag-aalaga ng aso ay isang malaking responsibilidad. Kasama dito ang pagbibigay sa kanila ng taunang bakuna, maayos na pagpapakain at malinis na tirahan upang hindi sila magkasakit,” dagdag pa ni Sydiongco. “We have to strictly manage our pets and community cooperation in order to reduce the risk of rabies transmission.”

Ayon sa Pangasinan Provincial Health Office (PHO), nakapagtala sila ng pitong rabies deaths noong 2022 na 30% mas mababa, kumpara sa 10 kaso na naitala noong 2021.

Mula Enero 1 hanggang Marso 1 naman ng taong ito, wala rin umano silang naitalang kaso ng rabies sa lalawigan.

Ang Pangasinan ay may kabuuang 28 Animal Bite Treatment Centers kung saan available ang mga rabies vaccines at libreng ipinagkakaloob sa mga pasyenteng nakagat ng hayop.