Matatandaan ang naging kontrobersyal na pagpapalayas umano ni Ruffa Gutierrez sa dalawang kasambahay noong Hulyo 2022 sa kaniyang tahanan sa isang exclusive village sa Alabang, Muntinlupa.
Bagaman nauna nang itinanggi ng aktres ang kontrobersiya na unang isiniwalat ni noo’y 3PWD 1st nominee Rowena Guanzonsa Twitter, ay nauwi naman kalaunan sa paghahain ng pormal na reklamo ang dalawang kasambay laban kay Ruffa.
Sa pamamagitan ng Ogie Diaz Showbiz Update nitong Biyernes, Marso 31, ibinahagi ng showbiz authority sa masugid at libu-libong subscribers ang nakuhang kopya ng “Notice of Finality” mula sa Department of Labor and Employment ukol sa reklamo. Napag-alaman din na ilang buwan na rin pala itong naihain sa dalawang panig.
“Nanalo ‘yung mga kasambahay na pinaalis ni Ruffa Gutierrez sa kaniyang Alabang house. Kung natatandaan natin, ang kuwento ng kasambahay ay nandun sila sa gate ng Ayala Alabang Village,” sey ng talent manager.
Bilang resulta, hiniling din ng DOLE sa respondent na si Ruffa na bayaran ang kada P13,299.92 ng dalawang complainant para sa kanilang indemnity pay, ‘di nabayarang sahod, at pro-rated 13th month pay. Kung mabibigo ang aktres ay magsasampa ng legal na hakbang ang DOLE laban dito, dagdag ng notisya.
Dahil sa hindi na pag-apela ng aktres sa utos ng DOLE kasunod ng paghahain nito ng ahensya laban sa kaniya noong Setyembre 27, 2022, naging “final and executory” ang naturang order, Disyembre 9, 2022.
Tila pagtatanggol naman ni Ogie sa aktres, mabait na bata aniya si Ruffa.
“Pero hindi naman ako ‘yung naging kasambahay ikanga so sila ‘yung mayroong experience o meron silang kuwento about Ruff,” pagkambyo naman agad ng talent manager.
Sa pagbibigay-pansin na ng DOLE, kumpiyansa naman si Ogie na tumugon noon ang aktres sa “maliit na bagay at maliit na halaga” na obligasyon nito sa mga dating trabahante.
“Sana matapos na ito at at the end of the day, gusto lang na patunayan ng dalawang kasambahay na hindi totoo ang mga binibintang sa kanila [ng tao] noong sila’y napalayas; na hindi na sila ang may kasalanan or nagnakaw sa bahay ni Ruffa,” sey ni Ogie.
Kung mayroon man aniya siyang aral na natutunan sa kaso, ito ay ang pagtrato sa kasambahay bilang pamilya rin at sa bahagi naman ng mga kasambahay ay pagpapahalaga sa tiwalang ibinibigay ng kanilang amo, pagpapatuloy ng talent manager.
“Sa lahat ng bagay ang tiwala, ‘wag 'yan sasayangin,” pagtatapos ni Ogie na umaasang nagkapatawaran pa rin ang dalawang panig sa huli.