Nagulantang ang hapon ng Kapamilya viewers sa panibago na namang pagbanat ni Asia’s Songbird ng OPM hit na “Gusto Ko Nang Bumitaw.”
Guest kasi nitong Sabado, Abril 1, sa It’s Showtime si Songbird na naging player pa ng segment na “Isip Bakla.”
Sa bahagi ng laro, tila nahamon naman ng mga host kabilang na si Meme Vice Ganda ang OPM legend ng classic na sample, kadalasang trip sa patok na noontime show.
Pagpapaalala ng mister at kapwa host bago ang pagbirit ng asawa, malat aniya ang misis partida ngunit sunod na walang anu-ano’y ibinirit ni Songbird ang mahirap na piyesa nang walang ka-effort-effort. Minumog lang ikanga ng netizens!
As usual, pawang paghanga lang ang natanggap ni Regine mula sa mga host at audience.
Agad namang na-upload sa Facebook ang latest mini cover ni Songbird sa kanta kung saan ikinaloka lalo ng masugid na Reginians!
“Aside from extremely high vocal range, it's the vocal resonance na kakaiba sa kanya. Iba pa rin ang buga ni Regine, specially during her prime, iba ang stamina at agility. Rare!” sey ng isang netizen.
“Grabe talaga taginting ng boses ni Regine, nananampal talaga,” segunda ng isa pa.
“Ang solid ng birit!”
“Parang naghikab lang si Queen Regine!”
“Napaka-unpredictable talaga ng boses ni regine. Actuall,y mas exciting ang boses nya ngayon compare dati kasi dati alam mong any moment kaya kanyang lamunin kahit sinong kaduet nya. Ngayon kasi may effort na minsan normal minsan grabe ang boses kaya pagnakaduet mo ngayon si Regine kailangan talaga handa ka,” obserbasyon ng isa pang fan.
Samantala, una nang nagbardagulan si Songbird at kapwa cover artist na si Morissette Amon sa hit OPM song noong Setyembre 2022.
Ang tinaguriang “Crystal Voice of Asia” na si Sheryn Regis ang kauna-unahang nagrekord sa kanta kasama ang Star Music producer na si Jonathan Manalo.
Matapos ang lagareng “Iconic” concert series ni Songbird kasama si Megastar Sharon Cuneta sa Amerika kamakailan, ay nagbalik na nga muli sa bansa ang icon.
Sa darating na Abril 28-29, muling mapapanuod si Regine sa repeat ng unang Valentine concert series na “Solo” sa Performing Arts Theater, sa Makati Circuit.