TABUK CITY, Kalinga -- Patay ang isang 19-anyos na lalaking college student matapos malunod habang sinusubukang i-rescue umano ang mga nalulunod niyang pinsan sa tabi ng Chico River sa Barangay Calanan, Tabuk City, Kalinga, noong Marso 30.
Sa imbestigasyon ng Tabuk City Police Station (CPS), pumunta sa ilog ang biktimang si Franz Dumaguing, tubong Lubuagan at residente ng Purok 6, Bulanao Centro, Tabuk City, Kalinga, kasama ang kanyang mga pinsan at kaibigan upang ipagdiwang ang kaarawan ng isang kaibigan.
Sa salaysay ng kasintahan ng biktima na si Jeramey Malting Esperanza, dakong alas-4:30 ng hapon, naliligo umano ang biktima sa mababaw na bahagi ng ilog nang mapansin umano nitong nalulunod at humihingi ng tulong ang dalawa nitong pinsan.
Ang biktima kasama ang dalawa pang kaibigang lalaki ay tumulong sa kanila, gayunpaman, nadala umano ito ng malakas na agos ng ilog at hindi nakarating sa pampang.
Agad namang humingi ng tulong ang kanyang mga kaibigan sa mga residente malapit sa nasabing lugar.
Humingi rin sila ng tulong sa mga pulis ng Tabuk CPS, Bureau of Fire Protection (BFP)-Tabuk City, at mga tauhan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng Kalinga.
Nagsagawa ng search and rescue operation ang rumespondeng team at natagpuan ang biktima sa ilalim ng tubig na walang malay.
Dinala ang biktima sa Kalinga Provincial Hospital ng mga rumespondeng tauhan para magamot, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.