Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na umaabot sa 1,292 HIV cases ang kanilang natukoy sa bansa noong Pebrero, 2023 lamang, kabilang rito ang may 56 na teenager at mga paslit.

Base sa datos ng DOH, sa mga kasong kinasasangkutan ng mga teenager at mga bata, 54 ang kabilang sa 10-19 taong gulang, habang ang dalawang iba pa ay wala pang 10-taon ang edad.

Ang naturang tala nitong Pebrero para sa naturang age group ay mas mababa naman kumpara sa 86 na naitala noong Enero.

Ayon kay Mary Joy Morin, senior technical specialist ng National HIV, AIDS, and STI Prevention and Control Program ng DOH, dahil sa nakakabahalang trend ay patuloy nilang minu-monitor ang mga kaso ng HIV sa 10-19 age group.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Aniya pa, marami na sa naturang age group ang nakaka-access sa mga testing services kaya’tnakikita na nila ang talaan.

Sa ngayon aniya, ang nais nila ay maabot pa ang mga hindi nagsusuri dahil maaaring sila ay makapag-contribute pa sa patuloy na pagdami ng impeksiyon.

"Pero gusto pa po nating maabot 'yung mga hindi pa po nate-test kasi sila ay puwede pang mag-contribute sa dagdag na impeksiyon, dagdag na bilang ng kaso kung 'di nila malalaman na may HIV sila," aniya, sa panayam sa teleradyo.

Base pa sa datos ng DOH, nabatid na dahil sa karagdagang 1,292 kaso, umaabot na ngayon sa 112,028 ang kabuuang bilang ng mga confirmed HIV cases sa bansa, simula noong Enero 1984.

Sa mga na-diagnosed na kaso ng HIV noong Pebrero, 44 na ang namatay, kaya’t mula Enero 1984 hanggang Pebrero 2023, mayroon nang kabuuang 6,425 naitalang nasawi dahil sa virus.

Samantala, nasa 65,236 naman sa mga pasyente ang kasalukuyang sumasailalim sa anti-retroviral therapy (ART) hanggang noong Pebrero 2023.

Anang DOH, ang 373 kaso na naitala noong Pebrero ay kinabibilangan ng mga kabataang kasama sa age group na 15-24.Sa naturang bilang, 355 ang lalaki at 18 naman ang mga babae habang 61 sa kanila ang nasa advanced HIV infections na.

Iniulat rin ng DOH na anim ang mga HIV-positive women ang buntis nang matukoy ang kanilang karamdaman, habang 70 naman ang overseas Filipino workers (OFWs).

Sa mga bagong kaso, 109 ang sangkot sa transactional sex sa nakalipas na 12-buwan.

Sinabi rin ng DOH na nananatiling ang sexual contact ang pangunahing dahilan ng hawahan ng virus, na nasa 1,277 o 99% ng mga kasong naitala noong Pebrero.Sa naturang bilang, 905 ang sangkot sa pagtatalik ng lalaki kapwa sa lalaki, 148 naman ang male-to-female sex only habang 224 naman ang may kasaysayan nang pagkikipagtalik sa parehong lalaki at babae.

Ilan pa naman sa mga paraan nang pagkahawa ng mga pasyente ng virus ay paggamit ng infected needles sa pagtuturok ng ilegal na droga at mother-to-child transmission.

Anang DOH, ang Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Davao Region, at Central Visayas ang nangunguna sa mga rehiyon na may pinakamaraming naiulat na bagong kaso ng HIV cases.