Natukoy na ng pulisya ang suspek sa pamamaslang sa isang babaeng estudyante ng De La Salle University sa Dasmariñas City, Cavite kamakailan.
Ito ang isinapubliko ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr. nitong Biyernes, Marso 31.
Aniya, ang suspek ay nakilalang si Angelito Erlano, taga-Barangay San Nicolas 2, Dasmariñas City.
Natunton ang bahay ni Erlano matapos magsagawa ng closed-circuit television (CCTV) backtracking ang pulisya.
Narekober sa bahay ng suspek ang damit at sling bag na ginamit umano nito nang isagawa ang pagpatay kay Queen Leanne Daguinsin, 24, taga-Pila, Laguna, sa Brgy. Sta. Fe, Dasmariñas kamakailan.
Natagpuan din sa bahay ng suspek ang ilang gamit ng biktima.
Sa rekord ng pulisya, dati nang nakulong si Ernalo noong Abril 7, 2022 sa kasong robbery.
Nauna nang nag-alok ng ₱1.1 milyong pabuya ang pamahalaan upang mapadali ang pagtukoy at pagdakip sa suspek.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Daguinsin sa loob ng inuupahang apartment sa naturang lugar nitong Marso 28.