Mainit na talakayan sa Kongreso at maging online ang panukalang menstrual leave na anang iba ay tila labis na pagpabor umano sa kababaihan. Tunghayan ang tinatawag na ‘substantial distinction’ na partikular na tinutumbok ng panukalang batas, ayon sa isang abogado.

Ito ang binigyang-linaw ng human rights lawyer na si Chel Diokno sa kaniyang latest legal reel online nitong Biyernes, Marso 31.

“Isa sa mga argumento kontra Menstrual Leave ang 'equality' kuno. May nagsasabi, kung may extra leaves ang mga babae, dapat rin ang mga lalaki,” pagsisimula niya.

Sunod niyang hinango ang parehong Article II, Section 14 at Article III, Section 1 ng Konstitusyon bilang legal na batayan para sa pagsulong ng pagkakapantay-pantay sa lipunan pagdating ng kasarian ng isang tao.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

“Sa ating Konstitusyon, sinusulong naman talaga ang equal treatment. Pero equal protection only requires na pareho ang treatment sa mga tao kung pareho rin ang kanilamng circumstances and conditions kung hindi ‘yan ang tinatawag na ‘substantial distinction,” aniya.

Dahil tanging kababaihan lang ang nakararanas ng epekto ng pagreregla, isa aniya ito sa mga tinutumbok ng batas samakatuwid.

“Pagdating sa menstruation, may substantial distinction. Hindi made-deny ang effect ng menstruation lalo na ‘yung dysmenorrhea. Totoong masakit ito na never mararanasan ng lalaki,” ani Diokno.

“Dahil may substantial distinction, at ito mismo ang gustong tugunan ng batas, sa palagay ko’y hindi labag sa equality na itinataguyod ng Constitution ang proposed menstrual leave,” sunod niyang pagsuporta sa panukala.

Sa huli, dapat aniyang “pakinggan ang mga kababaihann, at mapahalagahan ang kanilang karanasan.” Naniniwala rin ang abogado na “hindi naman makakabawas sa karapatan natin kung kikilalanin natin ‘yung karapatan ng iba.”

Ipinunto rin ng abogado ang benepisyong natatamasa rin ng isang kompanya kung nasisiguro ang kanilang kalusugan.

“At the end of the day, healthier workers lead to a more productive workplace.”