Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang 22 counts ng graft at malversation charges na inihain laban kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo hinggil sa umano'y maling paggamit ng ₱143.2 milyong calamity funds noong 2012.

Bagama’t Pebrero 22 pa ibinaba ang nasabing resolusyon, 10 araw bago paslangin ang gobernador, isinapubliko lamang ito noong Miyerkules, Marso 29.

Kasama ring inabswelto ng SC ang mga co-petitioner ni Degamo na sina provincial treasurer Danilo Mendez, provincial accountant Teodorico Reyes at private contractor Farouk Macarambon.

Binaligtad ng SC at isinantabi ang mga resolusyong inilabas ng Second Division ng Sandiganbayan, kung saan tinanggihan nito ang mosyon ni Degamo at ng kaniyang co-petitioners na humihiling ng summary dismissal sa mga kasong isinampa laban sa kanila ng Office of the Ombudsman.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“The dismissal of the pending charges against petitioner is warranted on the ground of double jeopardy,” saad ng resolusyon.

Nagsimula ang nasabing charges sa ₱480.7 milyong Special Allotment and Release Order (SARO) na hiniling umano ni Degamo noong 2012 para sa infrastracture projects ng Negros Oriental matapos itong salakayin ng bagyong Sendong noong 2011.

Inakusahan ang gobernador na nakipagsabwatan sa mga kasama niya para ilabas ang ₱143.2 milyon sa nasabing ₱480.7 milyong hiniling nito.

Ngunit, ayon kay Degamo, ang Department of Budget and Management (DBM) mismo ang naglabas ng lahat ng halaga ng nasabing pondo, kaya’t imposible umanong mangyari ang ibinibintang sa kanila.

Dagdag pa rito, kinatwiran din ni Degamo at ng kaniyang kapwa mga akusado sa SC na naabsuwelto na sila ng ikatlong dibisyon ng Sandiganbayan na may desisyon na kumilos sila nang walang ipinakitang partiality o gross inexcusable negligence.

Sinabi rin nilang ang pendency ng mga katulad na kaso sa ikalawa at ikatlong dibisyon ng anti-graft court ay magreresulta umano sa maraming pag-uusig.

Matatandaang nasawi si Degamo noong Marso 4 matapos siyang pagbabarilin ng mga armadong indibidwal sa harap ng bahay nito sa Pamplona habang nakikipag-usap sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

BASAHIN: Negros Oriental Gov. Degamo, pinagbabaril, patay!

Bukod sa gobernador, walong sibilyan pa ang nadamay at nasawi dahil sa nasabing ambush.