Sugatan ang isang Hapon na miyembro ng Japanese team na ipinadala sa bansa upang tumulong sa isinasagawang oil spill cleanup sa Mindoro, matapos tumalsik sa kanya ang ginagamit na electric disc cutter habang sila ay nasa karagatang bahagi ng Calapan, Oriental Mindoro nitong Marso 30.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG), kinilala ang dayuhan na si Shunji Takada na kaagad na sinundo ng mga tauhan ng Coast Guard sa kanilang barkong Shin Nichi Maru upang isugod sa ospital.
Pinuputol ni Takada ang lata ng pintura, gamit ang electric disc cutter nang biglang dumulas ang kanyang kamay kaya tumalsik ito na ikinasugat ng kanyang kanang hita.
Nakalabas na ng ospital si Takada matapos tahiin ang sugat nito.
Si Takada ay kabilang sa tripulante ng naturang dynamic positioning vessel (DPV) na nagsisilbing workboat para kanilang remotely operated vehicle (ROV) na Hakuyo.