Tatlong taong natulog sa tent ang isang bata sa United Kingdom para sa kaniyang fundraising campaign bilang tulong sa ospital na nag-alaga sa nasawi niyang mahal na kaibigan noong nabubuhay pa ito.

Sa ulat ng Guinness World Records (GWR), nagsimula ang fundraising quest ni Max Woosey simula noong 10-anyos pa lamang siya sa hardin ng kanilang bahay sa Devor, UK, noong Marso 2020, isang buwan matapos mamatay sa terminal cancer si Rick Abbot, ang kaniyang kapit-bahay at kaibigan.

Nang ma-diagnose umano si Rick ng terminal cancer noong 2020, hindi siya iniwan ng pamilya ni Max, kaya’t nasilayan nila kung paano ito inalagaan ng North Devon Hospice. Sa kasamaang palad, binawian siya ng buhay noong Pebrero 2020.

“Before my neighbour died of cancer, he gave me a tent and told me to ‘have an adventure’," ani Max sa GWR.

Human-Interest

10 anak napag-aral sa kolehiyo ng mga magulang sa pagtitinda ng fishball, balut

Niregalo rin daw sa kaniya ni Rick ang paborito niyang tent bilang token ng kanilang pagkakaibigan.

“The North Devon Hospice took such good care of him I wanted to do something to say thank you to them,” ani Max.

Doon na raw nagsimula ang fundraising niya para matulungan ang mga may-sakit sa nasabing ospital.

Sa loob ng tatlong taon, na ngayon ay 13 taong gulang na siya, hindi tumigil si Max sa kaniyang fundraising sa pagtulog bawat gabi sa kaniyang tent. Nang una ay hindi umano siya pinayagan ng kaniyang mga magulang dahil sa hirap ng pagtulog sa labas lalo na tuwing umuulan.

"On 28 March 2020, they finally said yes. Three years on I’m still out there,” ani Max.

Nakilala na si Max bilang “The Boy in the Tent" at nakaipon na ng mahigit £700,000 sa kaniyang fundraising campaign para sa North Devon Hospice.

“Thanks to the charitable efforts he's demonstrated in the past three years, Max has officially broken the record for most money raised by camping (individual),” anang GWR.

Max Woosey at North Devon Hospice in March 2023
Max Woosey sa North Devon Hospice nitong Marso 2023 (Photo courtesy: Guinness World Records)

Sa Abril 2023, tatapusin na ng record-breaking na ng 13-anyos na si Max ang kanyang camping at sa wakas ay babalik na sa kaniyang kuwarto.

“I only set out to have an adventure and raise £100. It is crazy that it has got so much attention but I hope it makes people see that children are capable of a lot more than people think,” ani Max.

“If I could meet my younger self, I would just tell him to believe in himself and enjoy every second,” dagdag niya.

Labis naman ang pasasalamat ng North Devon Hospice kay Max na nakatulong umano sa maraming may sakit, tulad ng tulong na naibigay niya sa kaibigang si Rick nang nabubuhay pa ito.

“The boy who first pitched his tent in March 2020 has grown into a very impressive young man, who has helped to change the lives of so many,” saad ni Stephen Roberts, ang Chief Executive ng North Devon Hospice.