Kinubra na ng dalawang lotto winner mula sa Mindanao ang napanalunang milyun-milyong premyo sa dalawang lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa ulat ng PCSO nitong Biyernes, kinubra na noong Marso 13 ng lucky winner mula sa Bayugan, Agusan Del Sur ang Mega Lotto 6/45 jackpot prize na nagkakahalagang ₱12,171,239.80 na binola noong Marso 6 na may winning combination na 26-43-11-18-05-45.

Ayon sa babaeng milyonaryo, random lang niyang pinili ang winning combination nang tumaya siya sa isa sa mga lotto outlets sa Bayugan. Aniya, halos dalawang dekada na rin siyang tumataya sa lotto.

Halos hindi pa rin umano ito makapaniwala na sa wakas ay nanalo na rin siya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Sa ngayon po, ilalagak ko muna sa banko at pagiisipang mabuti kung paano ko magagamit ng tama ang napakalaking halaga pong ito na natanggap ko ngayon," aniya nang matanong kung saan gagamitin ang napanalunan.

Nitong Marso 16 naman, kinubra na rin ng solo winner ng Grand Lotto 6/55 mula sa Davao City ang kaniyang premyo na nagkakahalagang ₱29,700,000 na binola noong Marso 11 na may winning combination na 45-29-12-03-26-51.

Ang Davaoeña ay halos 15 taon nang tumataya sa lotto. Ayon sa kaniya, palagi niyang pinipili ang Lucky Pick (LP), o random numbers na pinipili ng mismong system, kapag tumataya siya.

Nabanggit din niya na gagamitin niya sa pagbu-business at pagbili ng lupa ang napanalunan niya.

Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang MegaLotto 6/45 naman ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.