Instant multi-milyonaryo ang isang taga-Metro Manila matapos na mapanalunan ang ₱34.1 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules ng gabi.
Sa abiso ng PCSO nitong Huwebes, nabatid na matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination na 26-23-34-41-45-29 ng GrandLotto 6/55 kaya't napanalunan niya ang katumbas na jackpot prize na ₱34,123,859.
Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles, nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Tondo, Manila.
Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan naman ni Robles ang lucky winner na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identification card.
Paalala pa ni Robles, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa ₱10,000 ay isasailalim sa 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyo na hindi makukubra sa loob ng isang taon matapos itong mapanalunan ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules, at Sabado.