Usap-usapan ngayon ang TikTok video ng lead vocalist ng bandang "Lily" na si Joshua Camacho Bulot, matapos maglabas ng kaniyang pagkadismaya sa vlogger-negosyante na si Rendon Labador.
Ayon kay Bulot, naimbitahan sila ni Rendon na tumugtog sa opening ng negosyo nitong "Episode Bar + Kitchen" noong Sabado, Marso 25, subalit sinabihan daw sila nitong magbenta rin ng tiket.
"Medyo nadidisappoint lang ako kay Rendon Labador ngayon kasi, tutugtog kami ro'n as Lily pero ngayon pinapagbenta niya ako ng tiket, gusto pa niya sa tapat ng bar niya, magbenta ako ro'n, mabigay ako ng mga flyers do'n…"
Giit ng lead vocalist ng banda, hindi naman nila trabaho 'yon. Ang trabaho nila ay tumugtog at magbigay ng entertainment, may pumunta man o wala.
"Hindi naman namin trabaho 'yon as Lily 'di ba, so kakanta lang naman kami ro'n hindi namin trabaho na magbenta ng tiket."
Iginiit ni Bulot na pagkanta lang ang gagawin nila at hindi sila magbebenta ng tiket.
Sa caption naman ng Facebook post, mababasa ang ganito, "Shoutout sa'yo Rendon Labador. Wala namang ganyanan. Vocalist ako di naman ako sales. Gusto mo pa sa tapat ng bar mo magbenta kaming LILY Music ng ticket."
So comment section naman ay nagkomento rito si Labador.
"Sino manunuod sayo bro kung hindi tayo magbebenta ng tickets?"
Sa kabila nito, maraming mga netizen ang nagsasabing baka scripted lamang daw ito upang mas mapag-usapan ang banda, gayundin ang opening ng bar ng vlogger-negosyante. May mga nagsabi pang baka "marketing strategy" lamang daw ito.
Samantala, sa darating na Marso 31 hanggang Abril 1 ay magkakaroon ulit ng re-opening ng bar ayon sa latest update ni Labador.
"Babangon tayo ng mas malakas! Para malaman ninyo na business lang at walang personalan. Sa lahat ng Coco fans ililibre ko na ang entrance ninyo at free unlimited drinks pa! Para sa inyo ang party na ito #CocoFansParty #stayMotivated," aniya.
Matatandaang sinabi ni Rendon mismo na "nilangaw" ang opening noong Marso 25 at sinisi niya ito sa fans ni Coco Martin, na matagal-tagal na niyang binabarda dahil sa pagiging istorbo raw sa Quiapo vendors dahil sa taping ng "FPJ's Batang Quiapo."