Iginawad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Global Tourism Ambassador Award kay Filipino-American actress Vanessa Hudgens sa ginanap na courtesy call sa Palasyo nitong Huwebes, Marso 30.
Ang parangal ay iginawad kay Hudgens bilang bahagi umano ng hakbang ng pamahalaan upang “ipakilala ang Pilipinas bilang pangunahing pandaigdigang destinasyon para sa pamumuhunan at turismo”.
Kasama sa mga naging panauhin sina Presidential Adviser on Creative Communications (OPACC) Paul Soriano at Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco.
Pagkatapos ng nasabing pagtitipon, ibinahagi ng pangulo kay Hudgens kung paano natunghayan ng Malacañang ang kasaysayan ng bansa, maging ang kaniyang pagbabalik dito.
"It has a lot of history for me. I lived here 20 years, and now I've come back to live here again," ani Marcos kay Hudgens.
Bilang isang digital influencer, nakatakdang lumahok si Hudgens sa mga inisyatiba ng bansa para ma-promote ang mga kultura at tourist destinations nito sa sa iba’t ibang dako ng mundo.
Inaasahan din umanong gumawa ang OPACC at DOT ng dokumentaryo para sa homecoming ni Hudgens sa Pilipinas, kung saan tatalakayin din ang relasyon ng aktres at ng kaniyang Pinay na ina.
Plano raw isagawa ang nasabing dokumentaryo, na idederehe ni Paul Soriano, sa mga historical landmarks sa Intramuros, National Museum, at El Nido sa Palawan.