Isang graduating student na babae ang natagpuang patay matapos umanong magtamo ng mga saksak habang nasa loob ng kaniyang dormitory room sa Dasmariñas City, Cavite noong Martes, Marso 28.

Kinilala ang biktimang si Reyna Leanne Daguinsin, 24-anyos at isang Computer Science student sa De La Salle University–Dasmariñas (DLSU-D).

Sa panayam ng Manila Bulletin kay Dasmariñas City Police Station (CPS) acting Chief Lt. Col. Juan Oruga Jr. nitong Huwebes, Marso 30, ibinahagi nitong hindi nakita ng staff ng dormitoryo ang biktima na lumabas ng kaniyang silid buong araw noong Marso 28.

Dahil dito, naisip umano nilang nag-o-online class lamang ito sa kanilang silid o kaya naman ay umalis na patungong eskwelahan.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

“Tumawag na nga po 'yung pamilya na hindi rin nasagot sa tawag, kaya po na-alarma siya, kaya ginawan po nila nang paraan na makita ang loob ng kanyang kuwarto,” ani Oruga.

Ayon sa autopsy report, nagtamo ang biktima ng 14 na saksak.

Ibinahagi naman ng pulisya na walang indikasyon ng panggagahasa. Tinitingnan din ng mga awtoridad na pagnanakaw ang posibleng motibo sa krimen.

Sa kuha ng CCTV ay makikita umano ang isang lalaking naglalakad palayo sa dormitoryo na may hawak na isang bagay na hindi pa nakikilala.

Samantala, naglabas naman na ng opisyal na pahayag si DLSU-D President Br. Francisco "Sockie" de la Rosa VI FSC nitong Miyerkules, Marso 29, hinggil dito at sinabing nakikipagtulungan na sila sa pamilya ni Daguinsin at mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang biktima.

No photo description available.
Courtesy: Br. Sockie FSC/FB

Makikipagtulungan din umano ang unibersidad sa lokal na pamahalaan ng Dasmariñas City upang magsagawa ng masusing inspeksyon sa mga dormitoryong malapit sa campus.

Nakatakdang magsagawa ng Prayer Vigil for Justice ang komunidad ng DLSU-D nitong Huwebes bandang 5:00 ng hapon sa harap ng campus upang mag-alay ng panalangin at umapela ng hustisya para kay Daguinsin.

Naglagay naman umano ang Dasmariñas CPS ng police checkpoints sa loob ng lungsod at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay para magtalaga ng karagdagang mga patroller para sa mas pinaigting na seguridad.

Carla Bauto Deña