Tumutulong na rin ang France sa patuloy na oil spill response ng Pilipinas kasunod na rin ng paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro nitong Pebrero.
Sa pahayag ng French Embassy sa Maynila nitong Huwebes, binanggit na nasa bansa na si Mikaël Laurent ng France-based na Cedre (Center for Documentation, Research and Experimentation) on Accidental Water Pollution para sa 14 araw na misyon nito sa bansa simula Marso 29.
Nakibahagi na si Laurent sa mga pagpupulong, kasama ang Philippine Coast Guard, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga private operator, kabilang ang French company na Le Floch Depollution.
Naging bahagi rin ito reconnaissance operations at nagmasid din sa coastal cleanup worksites bukod pa sa pagsisilbi bilang technical advisor sa panahon ng paglalatag ng oil containment booms at sa pagkolekta ng pollutants.
Naglabas din ito ng mungkahi para sa isinasagawang selective collection upang malimitahan ang dami ng nabubuong basura sa panahon ng cleanup operations.
"This mission is part of France’s long-term support for the protection of the environment and biodiversity in the Philippines, particularly in the maritime field,” dagdag pa ng embahada.
Kabilang lamang ang France sa mga bansang tumutulong sa cleanup operations sa oil spill na dulot ng paglubog ng naturang tanker sa Naujan, Oriental Mindoro nitong Pebrero 28.
Philippine News Agency