CANDELARIA, Quezon -- Inaresto ng pulisya ang 30-anyos na factory worker matapos umanong mapatay ang isang magsasaka na hinihinalang kabit umano ng kaniyang misis sa Purok 3, Barangay Malabanan Sur, ng bayang ito, noong Miyerkules ng gabi, Marso 29.

Lumalabas sa imbestigasyon na minamaneho ng biktima si Allan D. Matutina ang kaniyang motorsiklo pauwi sa bahay dakong alas-10:30 ng gabi nang harangin ng suspek na si Christian Cabalquinto Selga ang kaniyang dinadaanan.

Sinaksak siya ni Selga ng dalawang beses sa dibdib gamit ang isang kitchen knife.

Nakatakas ang suspek ngunit nakorner siya ng mga rumespondeng pulis. Dinala si Matutina sa ospital ngunit ito ay binawian ng buhay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang suspek ay positibong kinilala ng isang saksi na siyang pumatay kay Matutina. 

Narekober ng pulisya ang patalim na ginamit ni Selga sa pagpatay. 

Lumalabas din sa imbestigasyon na ang asawa ni Selga at si Matutina ay nagkaroon umano ng relasyon, ayon sa pulisya. 

Sinabi ng pulisya na sasampahan ng kasong murder ang suspek na ngayon ay nasa custodial facility ng Candelaria police.