Nakakuha ang Manila Electric Company (Meralco) ng emergency power supply agreement (EPSA) sa South Premiere Power Corp. (SPPC) ng San Miguel, para sa pagsusuplay ng 300 megawatts (MW) baseload capacity.
Sa anunsiyo ng Meralco nitong Miyerkules, nabatid na ang EPSA ay naging epektibo na noong Marso 26, 2023 at magpapatuloy hanggang sa Marso 25, 2024.
Ayon sa Meralco, ang naturang kasunduan sa pagitan nila ng SPPC ay kasunod nang pagtanggap ng sertipikasyon mula sa Department of Energy (DOE), na nag-e-exempt sa power supply deal mula sa Competitive Selection Process (CSP).
Nakasaad sa naturang exemption na pinahintulutan ang dalawang kumpanya na kaagad na maipatupad ang EPSA.
Ipinaliwanag ng electric company na ang EPSA ay nagpapakita sa dalawang bahaging taripa na binubuo ng isang P1.75 per kilowatt-hour (kWh) fixed cost at variable cost na naka-index sa fuel price movements.
Dagdag pa ng Meralco, ang naturang pinakahuling kasunduan ang siyang ipapalit sa kapasidad na sakop ng 2019 PSA ng Meralco sa SPPC, na isinailalim sa Writ of Preliminary Injunction na inisyu ng Court of Appeals (CA).
“The execution of the EPSA will help shield electricity consumers from volatile and potentially higher generation costs in the Wholesale Electricity Spot Market, which is historically recorded during the dry season when power demand spikes,” ayon pa sa Meralco.
Dagdag pa nito, humingi sila ng pag-apruba ng DOE para sa panibagong EPSA para sa kanilang 180-MW baseload capacity requirement na naglalayong madagdagan ang available supply at matulungang matugunan ang reduced capacity ng mga natural gas-fired power plants.
Nabatid sa Meralco na ang naturang 180-MW supply ay orihinal na isinailalim sa dalawang round ng CSPs, na kapwa nabigo dahil sa kawalan ng bidders.
“Given the urgency of the additional supply for the dry season, Meralco sought approval to execute an EPSA instead,” anang electric company.