Idinetalye ni Kapuso actress Camille Prats kung paano naibalik sa kaniya ang nawawalang cellphone, na sinasabing kinuha ng di-nakilalang tao mula sa loob ng kaniyang bag, habang nanonood ng concert ng Blackpink sa Philippine Arena noong Linggo, Marso 26.
Ayon sa Instagram stories ni Camille, sinubukan nilang gamitin ang tracking feature ng phone upang maibalik ito. Nagtungo pa sila sa police station upang ireport ang pagkawala nito.
"We can still locate where the phone is… Wento to the nearest police station where my phone was tracked…" update ni Camille kalakip ang mga litrato habang sila ay nasa sasakyan at nasa himpilan ng pulisya.
Sa latest update ni Camille, mukhang nagtagumpay sila sa pag-track dahil maibabalik na sa kaniya ang iPhone.
"God is so so good! Found my phone. What a day, Kwento soon…" saad ni Camille.
"Thank you Lord. Akala ko imposible na. This is all You."
Nitong Marso 28 ay naglabas ng serye ng Instagram stories si Camille kung paano nila nakuhang muli ang iPhone. Sinamahan siya ng kaniyang mister na si VJ Yambao at bayaw niyang si Ice Yambao na siya namang nakatingin sa tracking feature habang nagmamaneho ang asawa.
Mula sa presintong pinuntahan nila ay inasiste raw sila ng mga ito patungo sa bahay kung saan nalo-locate ang iPhone ni Camille subalit pagdating doon ay itinanggi ng mga nadatnan nilang owners na may nagpunta sa concert ng Blackpink ng araw na iyon.
Ngunit hindi pa rin sila nawalan ng pag-asa dahil patuloy nilang natatrack kung saan nagpupunta ang taong may hawak ng phone ni Camille.
Bandang hapon ay tila sumuko na sila. Ipinagdasal na lamang nila ang taong kumuha nito. Subalit maya-maya, napansin daw ng bayaw ni Camille na ang phone ay tila nasa lokasyon ng precinct 6, at may ipinadala raw na package doon via motorcycle delivery service, na may nakalagay na para kay Camille Prats.
Hindi makapaniwala ang aktres na maibabalik pa sa kaniya ang phone. Maraming napagnilayan si Camille sa nangyari.
Una, iba raw talaga ang kapangyarihan ng dasal. Pangalawa, huwag mahiyang humingi ng tulong, kaya labis-labis ang pasasalamat ni Camille sa mga pulis na umasiste sa kanila, kahit noong una ay hindi naman siya agad nakilalang artista. Pinasalamatan din niya ang mister at bayaw sa mala-Taken movie na paghahanap ng cellphone.
In fairness din umano sa feature ng phone, talagang epektibo ito, kaya pinayuhan niya ang kapwa users na i-activate ang "Find My Phone."