Target ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na makumpleto na at tuluyang maging operational hanggang sa taong 2026 ang kanilang west extension project para sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Sa isang televised briefing nitong Miyerkules, sinabi ni LRTA administrator Hernando Cabrera na sa ngayon ay hinihintay na lamang nila na maaprubahan ang budget para sa naturang 3-kilometer extension project.

“The moment na maibigay sa atin yung tinatawag natin na multi-year obligational authority, ipapa-bid natin agad ito kasi tapos na lahat ang plano na ito, mayroon tayong consultant dito at talagang ang hinihintay natin ay ang papeles ng ating budget,” ayon pa kay Cabrera.

“Usually kapag nakuha natin ang pondo, publish agad tayo ng invitation sa ating mga bidders. It will take usually 3 to 4 months, ang ating mga bidding, and then mag-start sila,” aniya pa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa isang transmittal letter, nabatid na ang proyekto ay may kabuuang halaga na P10.1 bilyon hanggang noong Setyembre 2020.

Layunin rin anila ng extension project na makapagtayo pa ng tatlong karagdagang mga istasyon sa Maynila, kabilang ang Tutuban (kasunod ng Cluster Mall), Divisoria (kanluran ng Recto Avenue) at Pier 4.

Ipinaliwanag ni Cabrera na ang mga naturang lokasyon ay pinili upang maisakay ang mga commuters na gumagamit ng ‘inter-island ferries.’

“Kung maumpisahan natin ang construction this 2023, give us 3 years, mga 2026 matatapos natin yan, magiging operational yan, depende kung mabigyan tayo ng pondo,” aniya pa.

Anang LRTA, sa sandaling matapos na ang proyekto, aabutin na lamang ng limang minuto ang biyahe ng mga commuters mula Recto Station hanggang Pier 4, habang ang travel time naman mula sa Masinag hanggang Pier 4 ay hindi lalampas ng isang oras.

Inaasahang makakatulong rin ang proyekto upang makapagdagdag ng 16,000 pang LRT-2 passengers sa kasalukuyang 240,000 pasaherong naisasakay nito araw-araw.