BAGUIO CITY -- Narekober ng Regional at City Drug Enforcement Unit ng Police Regional Police Office-Cordillera at Philippine Drug Enforcement Agency ang hindi bababa sa ₱4 bilyong halaga ng umano'y shabu sa isinagawang search warrant operation sa Purok 4, Brgy. Irisan, Baguio City nitong Miyerkules, Marso 29.

Isang Chinese national na nagngangalang Ming Hui, alyas 'Tan,' ang nadatnan ng mga operatiba sa pangunguna ni Lt. Col. Dinky Del-Ong, hepe ng RDEU, matapos pasukin ang kaniyang bahay dakong alas-8 ng umaga sa bisa ng search warrant na inisyu ni Exec. Judge Rufus Gayo Malecdan, Jr. ng Regional Trial Court, Baguio City.

Narekober sa Chinese national ang mahigit 500 piraso ng sealed tea bag na may Chinese markings na naglalaman ng tig-isang kilo ng pinaghihinalaang shabu. 

Agad ding nagtungo si DILG Secretary Benhur Abalos kasama si PDEA Director Virgilio Lazo upang personal na makita ang nadiskubreng pinakamalaking imbakan ng shabu" sa siyudad. 

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

“Ito ay more or less 575 kilos na iligal na droga na may halagang ₱4 bilyon, nagtataka siguro kayo kung bakit nandito ang mga kapulisan ng National Capital Region, because this is a continuing operation, kaya ang accomplishment na ito ay sanib-puwersa ng ating kampanya sa war on drugs ng ating pamahalaan,” pahayag ni Abalos.

Panawagan nito sa mga taga-Cordillera, "Huwag po kayong mabigla dahil ito ay nakaimbak dito, hindi na naman ito distribution only for Cordillera or for Baguio City. Maaaring ginamit lamang na imbakan dito at maaaring ikalat sa iba’t ibang lugar, kaya sa nangyaring ito ay apektado ang buong bansa dito."

Napag-alaman na mahigit tatlong buwan nang minamanmanan ang nasabing bahay na inupahan lamang para gawing imbakan umano ng droga.

Ayon pa kay Abalos, malaki ang kanilang paniniwala na ang nakuhang droga sa Baguio ay posibleng parte ng nadiskubreng 900 kilong shabu kamakailan sa Metro Manila dahil pareho lamang ang markings o pinaglagyan nito.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mayor Benjamin Magalong sa kapulisan sa agarang pagkakadiskubre ng imbakan ng iligal na droga. 

"I would like to thank our PNP, PDEA, NBI dahil sa kanilang koordinasyon ay agad nilang natunton ang malaking imbakan na ito sa ating siyudad."