Apat na araw na magtitigil ng operasyon ang Philippine National Railways (PNR) sa susunod na linggo bilang pakikiisa sa paggunita sa Mahal na Araw.
Sa abiso ng PNR nitong Martes, nabatid na suspendido muna ang operasyon ng kanilang mga tren mula sa Huwebes Santo, Abril 6, hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay, Abril 9.
Ayon sa PNR, sasamantalahin na rin nila ang naturang pagkakataon upang magdaos ng pagkukumpuni sa kanilang mga tren at mga riles.
Magbabalik umano ang operasyon ng kanilang mga tren sa Abril 10, Lunes, na idineklara na ring holiday ng pamahalaan, bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Tuloy pa rin naman anila biyahe ng kanilang mga tren mula Abril 1, Sabado, hanggang sa Abril 5, Miyerkules Santo.
Dahil inaasahang maraming pasahero ang sasakay sa mga tren sa nasabing mga araw, sinabi ng PNR na magde-deploy sila ng mas maraming personnel upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at kaayusan ng kanilang operasyon.
Maglalagay rin umano sila ng help desk sa bawat istasyon ng tren.
Magtatalaga rin sila ng isang nurse sa PNR Tutuban Clinic upang magkaloob ng blood pressure check at first aid sa mga pasaherong kakailanganin ito.
Magpapakalat rin umano sila ng quick response teams sa Maynila, Laguna, Lucena, at Naga, sakaling magkaroon ng emergency.
Matatandaang una na ring nagpaabiso ang mga pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) na apat na araw magtitigil-operasyon sa Mahal na Araw o mula Abril 6 hanggang 9.