Viral ngayon sa social media ang post ni Zereen Xylex Atienza, 24, mula sa Balayan, Batangas, tampok ang pagtigil nila sa pagbebenta ng trending at patok ngayon na grilled balut dahil naawa umano sila sa tradisyunal o OG balut vendors na nawawalan na ng benta.
Sa kaniyang viral Facebook post nitong Lunes, Marso 27, ibinahagi ni Atienza ang larawan ng grilled balut na tinawag niyang “overrated” at ang larawan ng nagtitinda ng OG balut na tinawag naman niyang “underrated”.
“‘Yung nag open ka ng business at sumabay sa uso, pero malambot ang puso mo. 🥺,” saad sa caption ng post ni Atienza.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Atienza na nagsimula silang magtinda ng kaniyang asawa ng grilled balut noong Huwebes, Marso 24, matapos umano silang ma-engganyo rito dahil sa trending ito sa TikTok.
Natuwa naman daw sila dahil pumatok agad ang kanilang grilled balut at talagang pinilahan ng mga customer. Nagustuhan umano ng kanilang customer ang kanilang binibenta dahil nahihigop pa rin ang sabaw ng balut nito at dahil sa sini-serve nilang sweet chili garlic jam dito.
“Hanggang nung Sunday tinry namin sa Matabungkay at bumenta siya, bumubulos pa ‘yung mga tao kahit 30 pesos siya,” kuwento ni Atienza.
“Pero no’ng gabi habang naglilikom na kami kahit ‘di pa ubos ‘yung balut namin kasi di na kinaya sa pagod dahil sa sunod-sunod na orders, nakita namin dumadaan balut vendors na dati namin hinahabol mag-asawa, hindi na sila nakakabenta,” aniya.
Dahil dito, napagdesisyunan daw nilang mag-asawa ng itigil na ang una nilang business na grilled balut, kahit pa patok ito.
“So nag-desisyon [kami] na i-end na lang kasi bukod na dagdag na kami sa dami ng nagtinda ng grilled balut, naubusan na ng buyers ang OG balut vendors,” ani Atienza.
“Madami din po nagsasabi na bakit di kami kumuha ng balut sa balut vendors, or papwestuhin sila. Hindi naman po malaki business namin kaya hindi po namin kaya yun, and sa original price po ng balut na 25 at 30 ang grilled balut malaking lugi naman po samin ‘yun if ever dahil may uling, stick, cup, spoon, sweet chili jam, and ‘yung suka pa po,” saad niya.
Samantala, ang nasabing pagsasara nila ng kanilang grilled balut business para sa mga OG balut vendors ay hindi daw nangangahulugang hindi na nila suportado ang mga nagtitinda ng grilled balut.
“Support pa din po natin ang ibang nag gigrilled balut,” ani Atienza. “It depends pa din po talaga sa mga tao if ano want nila, OG balut or ‘yung grilled balut, basta masarap papatok naman po sa tao lahat.”
Sa ngayon ay focus umano nilang mag-asawa ang kanilang sweet chili jam dahil sa ito rin daw ang pinakadinumog ng kanilang customers.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!