Niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang hilagang bahagi ng bansang Japan nitong Martes, Marso 28, ngunit wala namang banta ng tsunami dito, ayon sa national weather agency.
Sa ulat ng Agence France Presse, ibinahagi ng Japan Meteorological Agency na nangyari ang lindol na may lalim na 20 kilometro bandang 6:18 ng gabi (0918 GMT) sa Aomori sa hilagang Japan.
Wala pa naman umanong naitalang pinsala o nasugatan dahil sa nasabing pagyanig.
Itinaas naman ng US Geological Survey ang lindol sa magnitude 6.2.
Karaniwan na rin umano ang lindol sa bansang Japan na matatagpuan sa Pacific "Ring of Fire". Dahil dito, nagkaroon na ng strict construction regulations ang bansa upang matiyak na matibay ang mga gusali laban sa malalakas na lindol.
Regular din umanong isinasagawa ang mga emergency drill upang maging handa ang mga residente kung sakaling magkaroon ng malakas na pagyanig.