Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng pamahalaan ng Pilipinas na suspendihin ang imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyong inilabas nitong Lunes, Marso 27, Lunes, tinanggihan ng ICC Appeals Chamber ang nasabing kahilingan dahil umano sa kawalan nito ng matibay na dahilan na susuporta rito.
Noong Marso 13, tinutulan ng bansa ang imbestigasyon ng ICC sa pamamagitan ng paggawa ng tatlong contentions: walang anuma itong legal foundation para gawin ito; ang mandato nito ay magkakaroon ng masamang implikasyon sa mga suspek, saksi at biktima; at magkakaroon ito ng malawak at masasamang kahihinatnan.
Ngunit sa desisyon ng ICC, ikinatuwiran ng appeals chamber na nabigo ang Pilipinas na ipaliwanag kung paanong tatalunin ng umano’y “absence of jurisdictional or legal basis” ang layunin ng ICC.
“The Philippines fails to provide any explanation as to what those implications may be and how the broad scope of the Prosecutor’s investigation at this stage of the proceedings would lead to consequences that would be very difficult to correct and may be irreversible," saad din ng ICC.
"Lastly, the Appeals Chamber notes that as far as national investigations are concerned, the Philippines is in a position to continue its investigations irrespective of the ongoing proceedings before the Court," dagdag nito.
Dahil sa nasabing desisyon ng ICC, malaya umanong magsagawa ng imbestigasyon si prosecutor Karim Khan at kaniyang opisina.
Matatandaang pinayagan ng ICC Pre-Trial Chamber I nitong Enero ang kahilingan ng ICC Prosecutor’s Office na buksan muli ang imbestigasyon sa posibleng paglabag ng karapatang pantao ng war on drugs sa bansa.
Kasapi ang Pilipinas ng Rome Statute, na siyang bumuo ng ICC, mula pa noong Nobyembre 1, 2011. Napawalang-bisa lamang ang membership nito noong Marso 17, 2019 matapos magpadala ang bansa sa ICC ng written withdrawal notice noong Marso 17, 2018, sa instruksyon ni Duterte.