Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na obserbahan ang wastong paghahanda ng pagkain gayundin ang mga inumin sa panahon ng tag-init.

Madaling masira ang pagkain sa gitna ng mataas na temperatura ng panahon, ani DOH Undersecretary at Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.

Pinayuhan ni Vergeire ang publiko, partikular ang mga namamahala sa mga canteen ng paaralan, na laging isaisip ang mga pag-iingat sa kaligtasan sa pagkain.

“Kapag mainit o maintindi ang init ng araw, madali pong pumapanis ang mga pagkain. Sana po ngayon iwas po tayo sa pagluluto ng madaling mapanis at sineserve sa ating mga estudyante.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinaalalahanan din ng Health official ang mga street vendors na laging gumamit ng malinis na tubig para sa kanilang mga inumin.

“Ito pong nagbebenta ng ating mga samalamig sa kanto, palengke, amin po kayong pinapaalalahanan na siguraduhin po natin na malinis ang tubig na pinagkukunan natin para ipangtimpla dito sa binebenta natin,” ani Vergeire.

“Hindi lang tubig ang kailangan nating siguraduhin na ligtas, ayun pong mga yelo na ginagamit natin,” dagdag niya.

Pinayuhan din ang mga local government units na tiyaking sumusunod ang mga food vendors sa kani-kanilang nasasakupan sa tamang pangangalaga ng pagkain.

“Sana po mamonitor ng ating mga sanitation officers itong nagbebenta sa ngayon dito sa ating bayan…para masiguro po na malinis ang iniinom ng ating mga kababayan at maiwasan ang gastrointestinal problems,” ani Vergeire.

Analou de Vera