Tinatayang 91% ng mga Pinoy ang sang-ayon sa boluntaryo na lamang na pagsusuot ng face masks, ayon sa Social Weather Station (SWS) nitong Lunes, Marso 27.
Ayon sa inilabas na resulta ng survey ng SWS, sa 91% na nasa tamang edad na sang-ayon sa Executive Order (EO) 7 na naglalayong gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor settings, 64% umano ang “strongly approve” habang 27% ang “somewhat approve”.
Nasa 3% naman ng mga Pinoy ang nagsabing “somewhat disapprove” sila sa boluntaryong pagsusuot ng face marks, 1% ang “strongly disapprove”, habang 4% naman ang “undecided” dito.
Samantala, nasa 54% umano ng mga Pinoy ang nagsasabing palagi pa rin silang nagsusuot ng face masks tuwing aalis ng bahay; 22% naman ang nagsusuot ng face masks “most of the time”, 15% ang “sometimes”, 8% ang “rarely,” habang 1% naman daw ang “never” nang nagsusuot ng face mask tuwing lalabas ng bahay.
Pagdating naman sa pagsusuot ng face masks ng mga bata sa face-to-face classes, 64% umano ng mga Pinoy household na may anak na nag-aaral ang “strongly agree” dito, 26% ang “somewhat agree”, 3% ang undecided, 3% ang “somewhat disagree” at 2% ang “strongly disagree”.
Tinatayang 81% naman umano ng households na may anak na pumapasok sa face-to-face classes ang laging pinagsusuot ng face mask ang kanilang mga anak.
Samantala, 11% ang nagpapasuot ng kanilang mga anak ng face mask “most of the time”, 5% ang “sometimes”, 3% ang “rarely”, at 0.5% ang never.
Ang nasabing mga resulta ay mula umano sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.