Kung ang isang guro mula sa Bagong Silang High School ay may pa-unli taho sa kaniyang advisory class, ang kaniyang kaibigang si Jesus Jose M. Beltran o "Sir Jess" ay may libreng haluhalo sa kaniyang mga "anak" na tamang-tama sa mainit na panahon ngayon.
Sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Marso 24, makikita ang video ni Sir Jess habang nagsisilbi ng haluhalo para sa kaniyang advisory class sa Tala High School, North Caloocan.
"Sa hirap ng buhay ngayon, kailangang sumideline ni Sir ng halo halo business. 🥹 Thank you sa mga suki ko, sana nabusog kayo hahaha charot," aniya sa caption.
"PS: Nakakaloka tong mga batang to, pinapapak lang ata ang evap."
Sa panayam ng Balita, nakuha raw ni Sir Jess ang ideyang ito, walang iba kundi sa kaniyang kaibigang gurong si Ma'am Mary Ann, na nauna na ngang maitampok dahil sa kaniyang unli taho.
Biro lamang ang inilagay niya sa caption na sumideline siya, dahil treat niya ang haluhalo sa kaniyang advisory class tuwing homeroom period. Sa halip na magpa-activity, minabuti niyang magpa-food trip lalo't mainit din ang panahon.
"I actually got the idea po from a friend na teacher din, si Maam Mary Ann Ablihan, na nagpa-unli taho sa students niya. And since mainit na talaga ang panahon, naisipan ko na ilibre ng haluhalo mga anak ko dahil saktong after lunch time ang klase ko sa kanila and homeroom naman kami noon."
"So, instead na magpa activity, I opted to treat them for surviving the week. Pero before pa man itong haluhalo, tinitreat ko na sila paminsan-minsan like biscuits, breads and burgers kapag may budget, dahil sa totoo lang po, madalas na hindi na nakakapag-lunch ang ilan sa students ko. Mahahabag ka na lang talaga na nakakaya nila tiisin ang gutom para lang makapag- aral.
Magkano naman ang nagagastos ni Sir Jess sa kaniyang pameryenda?
"Sa haluhalo, siguro umabot din po ako ng mga kulang-kulang ₱400. Sa paminsan-minsan namang paglibre sa kanila ng biscuits at tinapay (classroom pantry), umaabot ako ng mga ₱150-200."
May mensahe ba siya sa kapwa teachers at mga mag-aaral na patuloy na lumalaban sa buhay?
"Para sa mga kapwa ko guro na patuloy na nagsusumikap sa kabila ng mga kaniya-kaniya nating mga pagsubok na pinagdaraanan, pasasaan pa’t magiging maginhawa rin ang ating buhay. Patuloy lang tayong magtiwala na darating ang panahon na magiging masagana rin ang biyaya na matatanggap natin. Tiwala sa sarili at higit sa lahat — tiwala sa Diyos."
"Para naman sa aming mag-aaral, maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiyaga at pagsisikap na makapag-aral at makapagtapos. Mahirap man at mahaba ang proseso, makakaasa kayo na mananatili kaming mga guro na naandito upang gabayan kayo sa inyong pag-aaral. Nawa ay magpursige at maging responsable pa kayong mga estudyante para na rin sabay nating maiangat ang ating mga buhay."
Si Sir Jess ay nagtuturo ng asignaturang TLE sa Grade 9 at CSS naman sa Grade 11 ICT strand sa SHS.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!