Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang nirebisa nilang calendar of activities para sa nalalapit na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Alinsunod sa naturang calendar of activities, ang election period at gun ban para sa BSKE ay itinakda mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.
Ang paghahain naman ng Certificate of Candidacy (COC) ay nakatakdang isagawa mula Agosto 28 hanggang sa Setyembre 2.
Anang Comelec, kahit nakapaghain na ng kandidatura, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pangangampanya mula Setyembre 3 hanggang Oktubre 18.
Itinakda naman ang campaign period o panahon ng kampanyahan mula Oktubre 19 hanggang 28 lamang.
Sa Oktubre 29 naman, na siyang bisperas ng halalan, at sa mismong election day sa Oktubre 30, ay mahigpit na ring ipinagbabawal ang pangangampanya, kasabay nang pag-iral na rin ng liquor ban.
Ayon sa Comelec, ang huling araw naman nang paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato, nanalo man sila o natalo sa eleksiyon, ay sa Nobyembre 29.
Matatandaang una nang itinakda ng Comelec ang gun ban mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 14 lamang.
Ang paghahain naman ng kandidatura o COC ay una na ring iniurong rin mula sa orihinal na petsa nito sa Hulyo 3 – 7.